May lumang kasabihan sa español, “Tres jueves lucen más que el sol” (“May tatlong huwebes na mas maningning pa sa araw”): huwebes santo, ascensión at Corpus Christi. Kaso nga lang, tila hindi na ito totoo sa karamihan ng mga lugar simula ng ilipat sa linggo ang Solemnidad ng Pag-akyat sa langit ng Panginoon at ng Katawan at Dugo ni Kristo.

Bagama’t ipinagdiriwang na ng karamihan ang Dakilang Kapistahan ng Katawan at Dugo ni Kristo (o “Corpus Christi”) sa linggo pagkatapos ng Dakilang Kapistahan ng Santísima Trinidad, may mga diócesis pa rin na nanatiling huwebes ang selebrasyon. Isa rito ang Archidiócesis primada ng Toledo sa España.

Mapalad ako na nagkaroon ako ng pagkakataon na makalahok sa pinakamalaking fiesta (relihiyoso at civil) ng lumang kabisera ng España. Pangalawang beses ko nang nakadalo. Ang una ay noong 2021, pasimula pa lang ang post-pandemia kaya nakamascarilla pa kami at hindi nakapagprusisyon. Inilabas na lamang ang napakagandang sagrario sa isa sa mga pintuan ng Catedral primada matapos ang Misa na ipinagdiwang sa rito mozárabe. Ang ikalawang balik ko ay ngayong taon, 2023; tapos na ang mga restrictions kaya maari ng makalabas para sa prusisyon matapos ang Misa.

Kakaiba ang experience. Umulan o mas maigi siguro: umaambon-ambon. Pero, tuloy pa rin ang prusisyon. Ilang taon ding hindi pwede. Ang mga español, lalo na ang mga católico, kahit hindi practicante, mahal na mahal nila ang mga prusisyon dahil parte ito ng kultura at tradisyon. Naaalala ko noong nag-Semana Santa ako sa Sevilla kung saan araw-araw ay may prusisyon. Umulan nung Lunes Santo, at dun lang ako nakakita ng mga taong nag-iiyakan dahil di nila makikita ang mga “paso” ng Kristo o ng Virgen.

 

Bagama’t masasabing ang lungsod ng Toledo ay nanatili pa ring kristiyana, kakaiba pa ring makita ang fervor ng relihiyosidad sa isang bansa kung saan ang secularismo at agnosticismo ay agresibo. Lalo na kung ang ipinagdiriwang ay isang misterio ng kristiyanismo na mahirap lunukin para sa modernong isipan (kung tutuusin, magkakasunod ang mga kapistahan ng mga doctrinang mahirap tanggapin para sa isipan ng isang 21st century person: Pentecostés, Santa Trinidad at Corpus Christi).

 

Pero, sa kabila ng mga pompa at garbo ng mga rito, ano nga ba talaga ang mensahe ng pagdiriwang? Bakit nga ba natin ipinagdiriwang ang Corpus Christi?

Isa mga keywords ng teología ay: “autocommunication”. Paboritong termino ng teologong si Karl Rahner. Ang Diyos sa kanyang kabutihan at pagmamahal, malaya niyang piniling makipagcommunicate sa sangnilikha, particular na sa tao. At ang kanyang ikinomunicate ay walang iba kung hindi ang sarili niya. Ipinakilala niya ang sarili niya sa atin. Malaya… ‘di dahil kailangan niyang gawin kundi dahil pinili niyang gawin.

Ang mismong existencia ni Jesus ay isang pagkilos palabas ng Diyos. Sabi ni san Juan de la Cruz, si Cristo raw ang huling salita ng Diyos, ang pinakarurok ng autocummunication na ito. Kay Cristo, ipinakilala na nang lubusan ng Diyos ang sarili niya bagama’t ‘di kailanman mauubos ang misterio – ‘di natin masasaid ang misterio ng infinito gayong tayo’y mga finite beings lamang. “Kung kilala niyo ako, kilala niyo na rin ang Ama” (Jn 14,7).

Ibig sabihin, sa buhay, kamatayan at Muling Pagkabuhay ni Jesus natin makikita ang tunay na imahen ng Diyos. Sa cristologia, macocondense ang lahat ng ito sa isang salita: “proexistence” – existencia para… para iba… para sa’yo, sa akin, sa atin… At kung gusto mong maipunto ang episode kung saan si Jesus mismo ang nagpapaliwanag sa kung paano niya naintidihan ang kanyang buhay, kamatayan at Muling Pagkabuhay, ang pinakamagandang episodio ay ang Huling Hapunan: Tanggapin niyo ito at kanin/inumin, ito ang aking katawan/dugo ng Bagong Tipan… para sa marami (sa lahat).

Sa araw-araw na pagdiriwang natin ng Misa, may nangyayaring kamanghamangha: ang mga salitang ito ni Jesus ay naa-actualize – naisasabuhay muli. Hindi ito reenactment na para bagang pinapatay ulit natin ang Panginoon. At lalong hindi ito concerned lang sa kamatayan niya sa krus. Sa Misa, sa pamamagitan ng Espíritu Santo (epíklesis) ang tinapay at alak ay nagiging tunay na katawan at dugo ni Cristo. Maari nating alalahanin ang misterio ng pananampalataya (anámnesis) dahil sa aksyon na ito ng Espíritu.

Ang tinapay at alak na bunga ng ating paggawa at inialay natin sa altar ay nagiging tunay na katawan at dugo ni Cristo ‘di dahil sa kapangyarihan ng pari, kundi dahil sa pag-ibig ng Diyos sa Espíritu Santo.

At ang katawan at dugong ito’y ‘di lamang katawan at dugo ng nakapako sa krus, kundi ng Cristo total – ng Jesus ng kasaysayan at ng Cristo ng pananampalataya – ng kanyang buhay, kamatayan, at Muling Pagkabuhay. Kaya nga, ‘di lamang siya sakripisyo ngunit isang pagdiriwang – fiesta. Kaya nga rin ang tamang tawag ay: eucaristía mula sa griego na nangangahulugang “pasasalamat”.