Sa Pilipinas, sadyang kapansin-pansin na hindi lahat ng salitang hiram ay hinango sa tunay nitong pakahulugan o paraan kung saan ginagamit ito ng banyagang kultura. Samakatuwid, ang siyang inaasahang tagabigkis ng ating lahi ay nagmimistula pang ugat ng di-pagkakaunawaan at kalituhan. Wika: Gayunpaman, hindi ito ang layunin nitong lathalain. Ang mga pagbanggit ukol sa kapangyarihan ng wika at nataong may kaugnayan sa paksa nitong pagsusuri: Ang mga Pilipinong Relihiyoso ng makabagong panahon.

Marahil hanggang sa ngayon, ang salitang relihiyoso ay nauuunawaan pa rin ng karamihan bilang isang taong mapamahiin at madasalin. Kung magkagayon, sadyang malayo itong pananaw taliwas sa likas na pagkaunawa ng Simbahan sa salitang relihiyoso. Malayo hindi dahil ito ay isang maling pagkakakilanlan bagkus higit pa sa pagkamadasalin at makakaugalian ang pagiging isang relihiyoso. Gayunpaman, ang lathalaing ito ay hindi isang pag-aaral ng semantika o surian ng wika bagaman ito ay mayroong malaking ambag at kaugnayan. Layunin ng artikulong na ito na tumanaw nang malalim sa diwa ng isang Pilipinong relihiyoso.

Sa pagtitipon ng mga dalubhasa mula sa Orden ng mga Dominiko, kanilang pinagsumikapang hanapan ng kaugnayan ang iba’t ibang pananaw at konsepto sa pagka-relihiyoso at pagka-Pilipino. Ayon kay Pedregosa (2002), mahalaga ang pagsasalathala ng mga pag-aaral ukol sa pagsasalin o pagsasadilang-Pilipino ng mga konseptong banyaga at pananaw hinggil sa buhay-relihiyoso. Inilakip niya sa kanyang pagsasalaysay ang isang paanyaya na suriin at pagibayuhin pa ang pananaliksik at pagtuklas ng kaalaman hinggil sa ating kultura. Dahilan dito, yumabong ang pananaliksik mula sa maka-kanluraning pananaw sa iba’t ibang sangay ng sining at agham tungo sa makabayang pananaw. Isa sa mga pangkat na nakibahagi at nakinabang sa hakbang na ito ng Pilipinisasyon ng agham ay ang Simbahan – at sa lathalaing ito nais kong pagukulan ng pansin ang buhay-Relihiyoso.

Mula sa mayabong at buhay na panitikan mula sa kanluran, kung paghahambingin, inaamin ko na may kahirapan ang proseso ng pagsasalin at paghahanap kaugnayan ng mga relihiyosong pananaw buhat sa banyagang pagkaunwa tungo sa pagka-Pilipino. Gayunpaman, bagama’t mahirap, hindi ibig sabihin nito ay hindi ito makapangyayari. Datapuwat, Malaki ang gampanin ng wika at mga natipong panitikan upang maisakatuparan ang munting pananaliksik na ito. Nakita kong mainam ang At Nanahan sa Atin na nilimbag ng mga Pilipinong Dominiko upang maging batayang sipi ng pag-aaral na ito. Kaya, bilang tugon sa hamon ni Padre Pedregosa sa kanyang sanaysay, nais kong magbigay tanaw at maghanap kaugnayan sa konsepto ng buhay-sa-piling-ng-samahan (orden, kongregasyon, kapisanang relihiyoso) at ang katutubong pagkaunawa ng “Bahay”.

Bahay

Isa sa mga pangunahing pangangailangan ng mga tao ang matitirhan. Ang tahanan ang nagsisilbing santwaryo ng isang tao kung saan naipapanatag niya ang kaniyang diwa at katawan. Malaki ang epekto sa buhay ng isang tao ang magkaroon ng masisilungan sa panahon ng tag-ulan o dili kaya ang makaapuhap ng lilim mula sa nakapapasong init ng araw. Higit pa rito, hindi lamang sa pisikal na aspeto nagsisilbing tanggulan ang bahay. Sa bahay, nakatatamo tayo ng kapanatagan ng kalooban na mayroon tayong mauuwian at mapaglalagakan ng sarili natin matapos ang isang araw ng pagbubuno, pag-aaral o paglalaro.

Para kang nasa bahay lang ah. Ang tinurang tulad nito ay nagpapahayag ng ating malalim na pagkaunawa sa bahay. Ang kapanatagan na dulot ng bahay sa isang tao ay hindi maikukubli sa konkretong pader at haligi bagkus sa anumang sitwasyon o lugar na nagpapakita ng pagtanggap at pagsuyo. Kaya, ang bata na isinama ng kanyang ama o ina sa isang pook na hindi nila tirahan ngunit nakapagpapadama ng kaligayahan sa bata, maituturing niya itong bahay.

Saan ang bahay ninyo? Ang bahay ay hindi lamang isang pook. Isa rin itong salamin o larawan ng pagkatao. Sa madaling salita, higit pa sa sulok at dingding ang isang bahay. Ito ay ang kapaligiran ng isang tao. Nakalulungkot nga lang isipin na sa yaman nitong konseptong ito, sa aspetong ito ng bahay, nagkakaroon tayo ng pagguhit ng kapalaran ng iba o dili kaya ay nagtatakda na tayo ng limitasyon para sa kapwa. Ay! Taga-iskwater siya huwag kang masyadong magtitiwala wika ng isang ale na nagtutukoy ng isang taong dukha at hinihinalang di-katiwatiwala. Ay! taga-Forbes Park sila! Mga mariwasa! Wika ng isang kawani ng isang kompanya bilang paglalarawan sa kanyang amo. Naku, Ilonggo yan, mahirap kausap yan, dahil pabago-bago ang isip. Wika ng isang manggagawa na naglalarawan sa kaniyang kapwa-manggagawa. Samakatuwid, ang pangunahing kapaligiran ng isang tao ay maituturing nating bahay.

Wala ka sa bahay ninyo. Ang bahay ay isang pinalawak lamang na katotohanan ukol sa isang tao. Sa pag-iral, pag-iisip, pandama at iba pang aspeto ng isang indibidwal, mayroon siyang kalayaan at kakayahang ibahagi ang kalayaan na ito sa kanyang kapwa – hindi ibang tao. Gayunpaman, kung kanyang piliin na hindi ito ibahagi sa iba o dili kaya’y pagbawalan siyang isagawa ang kalayaan niya, tinuturing niya ang kapwa bilang ibang tao. Gayundin sa konsepto ng bahay, maaaring masabi natin na mayroong hindi ibang bahay at mayroong ibang bahay. Ang isang seminaristang likas na magaslaw sa pagkilos at pananalita na naaanyayahan sa bahay ng kanyang tagapagtangkilik ay napilitang kumilos nang mas pino, mahinahon at magalang. Simple lamang ang dahilan: hindi siya nagbabalatkayo, hindi siya nagpapanggap na matuwid, nasa ibang bahay kasi ako ito ang kanyang paliwanag.

Ang tahanan ang nagsisilbing santwaryo ng isang tao kung saan naipapanatag niya ang kaniyang diwa at katawan

Ang mga paglalahad na nabanggit ay iilan lamang sa ating mga natatanging paraan ng pagtanaw sa bahay. Samakatuwid, ang bahay ay hindi isang konsepto na hiwalay sa pagkatao at pagkakakilanlan natin bilang mga Pilipino. Bilang pag-uugnay, ang bahay ay kalakip sa ating malawig na pananaw sa sarili, kapwa at kapaligiran. Sa katunayan, ito ay pinatunayan ng mga kapatid nating katutubo tulad ng mga B’laan sa Mindanao – silang mga nakasalamuha at pinakimuhayan nitong munting manunulat sa di-kahabaang panahon. Para sa mga Lumad, ang bahay ay walang iniwan sa kalikasan. Kung bubuksan lamang ng isang tao ang kanyang mga mata at puso sa kalikasan, makikita na niya ang lahat dito. Karagdagan pa nito, walang taong nag-iisa, walang taong walang kapwa kung mananatili siyang naka-ugnay sa tunay niyang kapaligiran at kalikasan. Kaya, ang ‘di marunong lumingon sa pinanggalingan ay ‘di makararating sa paroroonan. Ang sinumang umiiral palayo sa kanyang kalikasan ay nabubuhay sa karimlan at kawalang pag-asa sapagkat naghahanap siya ng bagay na di-angkop at di-makabubuti sa kanya. Sadyang kay lalim at mahiwaga ang buhay ng tao. Magkaugnay na tunay ang pamumuhay at pamamahay. Anupa’t ‘di nakapagtatakang ang bawat isa ay naghahangad ng malawak at magandang bahay – nang magkaroon din sila ng masagana at magandang buhay.

Relihiyoso

Si Fray, si Brother, si Padre, si Sister. Sila ay mga taong namanata ng sarili sa Diyos – mga taong nangakong mabubuhay alang-alang sa Diyos at kapwa nang may pagtalima, pagsunod at pagdaralita. Mga baliw silang maituturing sa makabagong panahong ito. Ngunit, bakit gayon na lamang kataas ang paggalang at pagpupugay nating mga Pilipino sa mga tulad nila? Simple lamang ang nakikita kong sagot: mga mabuting tao kasi sila o sa ibang pananalita, sila ay mga taong malapit sa Diyos. Bagaman may natatanging karakter at kahinaan ang bawat isa sa kanila, ‘di maikakaila ng isang Pilipino na ang mga taong tulad ng pari, prayle at madre ay may malaking naiaambag sa ikabubuti ng pamayanan sa tulong ng kanilang mga halimbawa at pangangaral. Subalit, hindi ito ang nais kong pagtuunan ng pansin ukol sa kanila sa sulating ito. Sa malalim na pagtingin, mga payak na tao lamang din sila na dumaan sa paghuhubog at tumanggap ng dakilang atas ng paglilingkod – isang atas na pili lamang ang nakapagsasagawa. Atin ngayong suriin ang mga ‘di gaanong hayag na katotohanan sa pamumuhay ng mga tinatawag nating mga relihiyoso.

Unang una sa listahan ay ang kanilang paghuhubog. Malaking ambag sa lathalaing ito ang sinulat na sanaysay ni Padre Quirico Pedregosa, OP na walang iba kundi ang kaniyang pagbabahagi sa kanyang buhay sa Orden na kanyang pinasukan. Kapansin-pansin na ang pinagmulan ng mga pamayanang relihiyoso ay buhat sa kanluran: katotohanan ito na alam natin buhat pa nang taong 1565 nang unang dumating ang mga Agustino sa ating bansa. Bagama’t mayroong mga paglalahad na nagmumungkahing mas naunang dumating ang mga Franciscano sa kapuluang ito sa pagtatapos ng ika-labintatlong siglo. Gayunpaman, ang punto rito ay sadyang kakanluranin ang nakagisnan nating pananaw sa buhay-pari, buhay-madre, buhay-relihiyoso. At sa loob ng tatlong siglo ng pananakop sa atin ay lalo tayong nagkaroon ng masalimuot at di-magandang pagkaunawa sa kalikasan ng buhay na ito. Makikita natin ito sa katauhan ni Padre Damaso Vergolagas at ni Fray Botod.

Sa paglalahad ng ating katutubong pagtanaw sa bahay at pag-uugnay nito sa kakanluraning prinsipyo ng pagkakapatiran, masasabi nating maraming taon ding nawaglit sa ating katauhan ang tunay nating kalikasan anupa’t humantong ito sa ating mas magiliw na pagtangkilik sa mga bagay at prinsipyong banyaga higit sa ating nakagisnang kultura at pag-uugali. Subalit, sadyang totoo na mayroong paliwanag sa bawat bagay sa ilalim ng araw. Bagama’t nagkagayon, sa ating kapanahunan, alalaumbaga’y bumabawi tayo sa kasaysayan at nagsisimula muling ibalik at kayamanang pansamantala nating iwinaglit. Kaya, heto, nagsusuri tayong muli at hinahanapang-kahulugan at katuwiran ang mga minanang kayamanan mula sa kasaysayan at iniluluklok ito sa dambana ng ating kalikasan at karangalan bilang Pilipinong angkan.

Sa pagbabalik-tuon sa mga relihiyoso, sa kabila ng kakanluraning binhi na itinanim sa atin, tila mayroon pa ring nanatiling ‘di nawaglit sa pag-iral ng panahon; bagay na paguusapan sa mga susunod na paglalahad. Sa kanilang paghuhubog, pamumuhay, pananamit ultimo pananalita, masasabi nating sila ay tunay na nag-iba.

Sa paghuhubog, ang bawat nagnanais na yakapin ang buhay ng pagiging relihiyoso ay kinakailangang itakwil ang pamilya at matutong mamuhay nang mag-isa sa piling ng isang kapatiran. Sa pamumuhay, ang bawat isa ay inaasahang gumawa nang makapag-ambag sa kapatiran at ‘di maghangad ng pansariling kaluwagan at kasaganahan. Sa pananamit, mula sa payak na kasuotan, ang bawat isa ay pinagkakalooban ng habito na walang iniwang pagkakaiba sa iba bilang tanda ng pagkakaisa sa iisang kapatiran kung saan si Kristo ang ulo at sila ang katawan. Mula sa kinagisnang wika, dumatal ang Kastila, Latin, Aleman, Ingles at kung anupaman ayon sa pinagmulan ng isang relihiyosong samahan. Samakatuwid, mula sa payak at malayang pamumuhay, ang isang taong piniling maging relihiyoso ay nagtamo ng bagong pamumuhay taglay ang mga karagdagang pag-uugali at pananaw. Binigyang diin ko rito ang mga salitang malaya at karag-dagan. Una, ang malaya sa aking pang-unawa ay ang estado ng buhay ng isang Pilipino kung saan siya ay payapa at payak na umiiral sa kanyang kalikasang kinagisnan. Ikalawa, ginamit ko ang salitang karag-dagan sapagkat hindi kailanman binura o mabubura ng kahit anong kakanluranin o banyagang pananaw ang likas na kaugalian na taglay ng isang Pilipino. Samakatuwid, bagaman dumating ang mga bagong katotohanan na ito sa kaniyang buhay, dumaragdag lang ito sa kayamanan ng kanyang katauhan.

Bagong Bahay, Bagong Buhay: Ang Bahay at ang Relihiyoso

(Understanding Community Life in the Light of the Filipino Understanding of “Bahay”)

Ngayong napagusapan na ang mga kapansin-pansing pagbabagong hatid ng buhay-relihiyoso sa isang Pilipino, inaaanyayahan ko ang mambabasa na samahan ako sa masikap na pagsusuri at pagsasalin nito sa ating katutubong pagkaunawa.

Una, hindi bago sa ating mga Pilipino ang magdangal ng isang tao na nagsasagawa ng panalangin para sa sambayanan. Wala pa ang mga Kastila, mayroon na tayong mga iginagalang na babaylan at katalonan na tumatayong mga espiritwal na lider na nagsasagawa at namumuno sa mga pam-pamayanang ritwal at pagsamba. Kaya, gayon na lamang ang ating mataas na pagtingin sa mga taong naka-habito at gayon na lamang ang ating pagkasuklam sa mga hindi isinasabuhay ang pagkapari o pagkarelihiyoso nang wasto sapagkat naniniwala tayo na ang bawat pagpapala ay mayroong kaakibat na sumpa sa mga nagsasagawa ng kabuktutan at kapalaluan.

Ikalawa, kapansin-pansin na ang mga simbahan na mayroon tayong mga Pilipino na naitayo noong matandang panahon ay mukhang bahay. Sa katunayan, ang mga katutubong dambana at pook-sambahan na mayroon ang mga Lumad tulad ng mga B’laan, T’boli at sino pa man ay isang literal na bahay. Hindi ito pagkakataon lamang. Isa sa mga katutubo nating pananaw bilang angkan na ang bahay ay ang pinaka-ligtas na pook. Sa diwang ito, ang bahay na laan para kay Adwata o Bathala o sa Diyos ay pinaniniwalaang matatag at maganda. Bukal ng pagpapala at tanggulan laban sa paniniil ng masama. Ang kulturang ito ay sinisikap buhayin ng maraming katutubo sa Mindanao at mapalad itong manunulat na maging saksi sa pagpapanauli ng kanilang kultura. Ang tawag nga pala sa banal na pook na ito sa katutubo nilang wika ay sabak.

Ngayon, sa ikatlong punto, ating bigyang-liwanag ang kaugnayan ng bahay sa buhay relihiyoso. Sa aking pananaw, ang salitang pagtatakwil na hinihingi ng buhay-relihiyoso ay hindi katumbas ng lubusang paglimot. Kung magkagayon, mamamatay itong taong nagnanais pumasok. Subukan nating gumawa ng paghahambing: nang tawagin ni Hesus sina Pedro sampu ng kaniyang mga kapwa mangingisdang Galileo, kanyang winikang sila ay gagawin niyang mamamalakaya ng tao. Samakatuwid, talastas ni Hesus na mayroong likas na kayamanan sa kalooban ng tao na hinding hindi maaagaw ninuman. Gayundin sa isang relihiyoso. Hindi niya matatalikdan ang tunay niyang kalikasan – hinding hindi niya maiiwanan ang kaniyang bahay. Bagama’t ang liwanag dito ay nakatamo siya ng isa pang bahay. Ang seminaryo ang una niyang bagong bahay; at sa mga gawain dito, kanya lamang isinasagawa ang tungkuling kinagisnan niya sa kaniyang bahay: ang maghugas ng pinggan, ang maglinis ng bakuran, ang sumalo sa hapag ng kapatiran, ang dumalo sa panalangin at gawain. Walang iniwan ang mga ito sa mga gawain sa bahay. Kaya, bagama’t siya ay mayroon nang bagong buhay sa bago niyang bahay, hindi niya nakikitang siya ay nasa ibang bahay. Ang mga kasama niya rito, ang mga tagahubog at kapwa seminarista marahil sa unang bahagi ay magmimistulang ibang tao dahilan sa sari-saring kaugalian at pinagmulan, kinalauna’y kanyang natanggap bilang mga bagong pamilya – bagong kasapi ng kaniyang munting sambahayan: at sa ugaling ito na pinagsasaluhan ng bawat isang kasapi ng pangkat, nagkakaroon ng ugnayan ang bawat isa kung saan nagagawa nilang ituring ang bawat isa bilang magkakapatid sa iisang kapatiran kapiling ni Kristong kanilang Kuya.

Matapos ang kanyang paghuhubog at dumating na ang panahon na ang isang tao ay ganap nang kasapi ng isang relihiyosong kapisanan, lumalawig na rin ang kanyang pananaw na ang kanyang tahanan ay hindi lamang kubli sa haligi bagkus ay isang malawak at pinagpalang kalikasang nilikha ng Diyos na nagkaloob sa kanya ng maraming kapatid at magulang. Samakatuwid, hindi naparam ang mga natutunan niya sa kinagisnan niyang bahay anupa’t binigyan siya nito ng lakas ng kalooban upang maituring ang bahay ng kaniyang kapwa bilang kaniyang bahay. Dahil dito, tila baga’y naging likas na lamang ding tawagin ng mga relihiyoso na “bahay” ang pook na kanilang pinagpipisanan bilang isang kapatiran. Halimbawa na lamang nito ay ang Bahay Capuchino, Bahay Dominiko, Arvisu House, Passionist Theology House at iba pa.

 

Sa malalim na pagtanaw, ano pa ang maaaring suriin sa pananaw na ito? Pagsumikapan nating pasukin ang diwa ng isang relihiyoso. Dito, aking sasariwain ang mga natutunan ko sa aming pag-aaral ng Sikolohiyang Pilipino; at, masasabi kong dito pa lamang, lagi’t lagi tayong babalik sa ugat ng ating diwa: Ang Kapwa. Sa pagpasok pa lamang sa seminaryo, hindi maikakaila ang pangangailangan ng pakikisama, pakikisangkot, pakikisalamuha, pakikiisa at kung anupamang tawag sa pakikipag-ugnayan ng isang indibidwal sa kanyang kapwa. Malamang ay mayroon itong kauganayan sa ating hiya. Sa ating pagkilos, paggawa, pananalita, lagi nating iniisip ang kapakanan ng ating kapwa kung ayaw nating masabihan nang walang hiya. Ngunit hindi ito bulag na pagkilos o dili kaya’y kapalaluan at pagbabalatkayo. Ito ay malalim na hiya na nagbubunsod sa tao na magpasya na gawin ang wasto at maglingkod sa kapwa sa abot ng makakaya nito bagama’t mayroon siyang kahinaan. Hindi ba’t ganito rin ang karaniwang pangyayari sa ating bahay? Ang bawat isa ay ginagawa ang gampaning nakaatas sa kanya para sa ikabubuti ng pamilya: Ang ama ay nagsisikap na gawin sa abot ng kanyang makakaya upang pakainin at gabayan ang kanyang mag-ina. Ang ina ay umiiral upang kalingain at arugain ang kanyang mag-ama. Ang mga anak ay ipinadadala sa eskwelahan upang mabigyan ng magandang kinabukasan at inaasahang kaniyang pinagbubuti ang pag-aaral upang makamtan niya itong pangarap para sa kanya ng kaniyang mga magulang. Ang sinuman sa mga ito ang ‘di magsagawa ng kanyang tungkulin ay kadalasa’y tumatanggap ng pangangaral o dili kaya’y karahasan sa anumang paraan, ngunit ito ay bihira at masasabi na nating malala. Kaya, bagama’t kakanluranin ang pinagmulan, bagama’t kakanluranin ang binhi, hindi nito kailanman magagawang kakanluranin ang lupang pinagtamnan: ang puso ng isang Pilipinong relihiyoso.

 

Sa malawakang pagtanaw, dahilan sa masidhing pagpapahalaga sa kapwa, nagiging mabunga at matatag ang isang relihiyoso na harapin ang bagong buhay dala ng kanyang bagong bahay. Kaya hindi na nakabibigla sa tuwing babanggitin ng isang pari o seminarista ang bahay bilang pagtukoy sa kumbento o seminaryo sapagkat wala itong iniwan sa kaniyang nakagisnang bahay anuman ang pagbabagong kanyang matamo at matanggap.

 

Alay ko ito sa lahat ng relihiyosong Pilipino sa bawat panig ng mundo.

Mga Batayang Sipi

** Patawarin nawa ako sa aking pangangahas subalit karamihan sa aking mga inilathala ay buhat sa aking pagninilay at mga natutunan sa aking mga guro sa Pilosopiya, Teolohiya at Sikolohiya. Gayunpaman, ‘di ako nag-aari ng aking dalisay na paga-akda. Bagama’t nangangarap din ako na mailathala rin yaring munting pagninilay at maihanay sa mga nabasa kong sanaysay, subalit aking talastas na milya pa ang aking layo sa katotohanan. Kaya, sa diwang ito, ako ay lubos na nagpapasalamat sa mga propesor ko at mga pangungahing may-akda na aking nakilala dahilan sa pag-aaral na ito:
 

Mga May-akda

Bulatao, Jaime, Hiya, Philippine Studies. Volume 12, No. 3. Quezon City. Ateneo de Manila University Press. July, 1964
Congregation for Institutes of Consecrated Life and Societies of Apostolic Life. Fraternal Life in Community: Congregavit Nos In Unum Christi Amor. Pasay City. Daughters of Saint Paul. 2006
 
de Mesa, SJ, Jose. In Solidarity with the Culture: Studies in Theological Re-rooting. Quezon City. Maryhill School of Theology. 1987
 
Juan Pablo II. Vita Consecrata. Pasay City. Daughters of Saint Paul. 1996
 
Pedregosa, Jr., OP, Quirico et al., At Nanahan sa Atin: Coming Home to the Roots of the Filipino Religious. Manila, University of Santo Tomas Publishing House, 2002
 
Pe-Pua, Rogelia, ed., Sikolohiyang Pilipino, Teorya, Metodo at Gamit. Quezon City. University of the Philippines Press. 2011.
 
Sta. Maria, Daniel. A Day in the Life of a Parish Priest. Manila. Catholic Book Center. 1999
 
Wapaño, CP, Roberto. A Close Encounter with the B’laans: A Primer. General Santos City. Passionist Philippine Province. 2007
 

Mga Dakilang Guro

Fr. Gwen Barde, CP
Fr. Julito Villarente, CP
Fr. Salvador Agualada, CMF
Fr. Eugenio Lopez, OFMCap
Sr. Mariella de Villa, OP
Dr. Miguel Lambino
G. Jhon Fred Caranzo
Fra. Francis Noel Ma. Monterde, OSM
 

Natatanging Banggit

B’laan and T’boli Communities in Saranggani Province
Dr. Lars Raymund Ubaldo, dalubhasa ng Panlipunang Sining at Etnograpiya
 
 

Manatili nawa sa ating diwa ang pagpapakasakit ni Hesukristo.