Inatake nila at pilit na niyurakan ang kasaysayan at saysay ng nangyari sa EDSA noong 1986. ‘Di raw totoo, marami raw ang nauto. Bunga ito ng pag-usbong ng mga online channels at plataporma na nagpapakalat ng maling impormasyon at nagtatangkang baluktutin ang naratibo ng kasaysayan.
May nagtitipon-tipon ngayon sa EDSA.
Ang mga magulang natin, nagpunta sa EDSA noong 1986 hindi dahil sinabi ni Cardinal Sin. Hindi dahil pinaslang si Ninoy. Nangyari ang EDSA dahil tunay na nagkaisa ang buong sambayanan. Alam nila na hindi tamang maghari ang takot at karahasan at katiwalian. Alam nilang “tama na, sobra na, palitan na”. Alam nila na ang “katotohanan, kalayaan, at katarungan ay kayang makamit nang walang dahas”.
Ito ang diwa ng EDSA. Ito ang ibig sabihin ng People Power.
Sa kabila ng takot, umasa sila na may mababago sa sistema. Ang EDSA ay hindi tungkol kay Cory, sa mga Aquino, kay FVR, kay Enrile, o kay Gringo. Ang kwento ng EDSA ay kwento ng mga tao. Dahil sa EDSA, humanga ang mundo sa Pilipino. Mayroon ngang ibang mga bansa na nagtangkang gayahin ang milagro ng EDSA bagama’t sa huli’y sila’y ‘di nagtagumpay.
Dakila ang naganap noon sa EDSA, oo. Pero alam nating pagkalipas ng ilang dekada, wala ring gaanong nangyaring pagbabago. Sila pa rin ang mga naghahari, bumalimbing lang mula sa tumatandang trapo ngunit sila pa rin ang nasa kapangyarihan, nagpapasapasahan lang ng trono mula sa asawa, anak, manugang, at apo. Hirap pa rin ang Pilipino.
Kaya, marami sa mga lumaban noon, iginupo na ng panahon. Ginamit itong pagkakataon upang maghasik ng lason. Kaya silang mulat noon, nabulag sa mga panibagong version at vision. Pagdating ng panahon ng eleksyon at usapin sa administrasyon, kapwa Pilipino, magkakaaway-away na ngayon.
Pumalpak daw ang EDSA. Baka nga. Pero hindi dahil pumalpak ang People Power kundi dahil ang mga sakim ay nanatiling Powerful People at People on power. Pero nananatili ang mahika ng EDSA sa kamalayang pilipino: sa bawat kaguluhang panlipunan at pampulitika sinasambit pa rin ang kaniyang alaala, may ilan pa ngang nagtatangka tulad noong 2000’s.
At ngayon may nagtatangka muli. Napakaparadohiko nga talaga ng buhay na ngayon ay nasasaksihan natin ang pinakamalupit at pinakamakapangyarihang nagtangkang ilibing sa limot ang alaala ng EDSA ay siya ring tumatawag ngayon sa kanyang mga tao upang magsulong ng “bagong EDSA”. Ang problema: dahil sa kanyang masigasig na pagbaluktot sa diwa, saysay at kasaysayan ng EDSA at ng People Power at dahil sa ang kaniyang postura ay Powerful father na handang gawin ang “maruming trabaho” para sa kanyang people, malamig rin ang sagot sa kaniyang panawagan.
Pumalpak ang EDSA sabi ng ilan. Maaari nga. Pero hindi mabubura ang saysay nito sa bansa. Dahil ang kasalukuyang Saligang Batas at lipunan, tayong lahat na tumatamasa ng ganitong klase ng kalayaan at, kahit papaano, kaginhawan, ay bunga ng naging kaganapan sa EDSA. Lahat tayo, sa ayaw mo man o sa gusto, “Anak tayo ng EDSA“.